MANILA – Gumaling na mula sa mutations ng SARS-CoV-2, ang virus na nagdudulot ng COVID-19, ang mga indibidwal na tinamaan nito sa Central Visayas.
Ito ang kinumpirma ng University of the Philippines-Philippine Genome Center (UP-PGC) matapos ianunsyo ng Department of Health – Region 7 (DOH-7) kahapon ang pagkaka-detect sa dalawang mutation ng virus sa Central Visayas.
“All the cases with the two mutations of concern — E484K as well as N501Y — exhibited only mild symptoms and have been cleared from their quarantine,” ani PGC executive director Dr. Cynthia Saloma.
Batay sa datos ng ahensya, 70 samples ang ipinadala ng DOH-7 noong nakaraang linggo para sa ikaanim na batch ng whole genome sequencing.
Mula sa nasabing bilang 59 lang ang naging na-proseso sa genome sequencing dahil sa mahigpit na criteria.
“Yung iba yung kanilang CT values ay mataas or walang tube. Kung mayroon man. most likely the CT values are of number na very high na baka di tayo makakuha ng sequence o magandang datos.”
Ang CT value o “cycle threshold value” ay ang sukatan ng viral load o antas ng impeksyon ng virus sa tao.
Una nang sinabi ng DOH na tanging positive samples na may CT value) na mas mababa sa 30 ang isinasailalim sa genome sequencing.
Ayon kay Dr. Saloma, 50 mula sa nabanggit na 59 samples ang nahanay sa iba’t-ibang “lineage.”
“(Lineage) are larger groupings nitong mga variants and can be generate by a particular application… so that maintindihan natin yung mother strain at paano nagmu-mutate through time.”
Mula sa 50 samples, 31 o 62% ang natukoy ng UP-PGC na may “mutations of concern,” na E484K at N501Y.
Sa kabila ng natuklasang mutation ng SARS-CoV-2 sa bansa, nilinaw ng Health department na wala pang sapat na datos para masabing may seryosong banta ito sa publiko.
Kaya mahalaga umano na mapanatili ang pagsunod sa health protocols, dahil habang dumadami ang kaso ng COVID-19 ay may oportunidad ang virus para mag-mutate.
“Sa kasalukuyan hindi pa sapat ang mga datos para matukoy ng ating mga eksperto kung ano nga bang implikasyon ng dalawang mutations na ito sa virus,” ani Health Sec. Francisco Duque III.
“‘Yun pa rin naman eh (ang strategy): active case finding, contact tracing, aggressive isolation and quarantine, lockdown, at pagsumite sa PGC ng karagdagang samples.”