Nakapagtala ng pagbaba sa mga kaso ng sakit na dengue sa bansa ang Department of Health sa unang bahagi ng buwan ng Enero ng taong 2024.
Ito ay sa gitna ng nararanasang El Nino phenomenon partikular na sa ilang bahagi ng Pilipinas.
Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng DOH, lumalabas na bumaba sa 16% ang naitalang dengue cases sa buong bansa mula noong Disyembre 17 hanggang 31, 2023 na katumbas ng 7,274 na mga kaso na mas mababa kumpara sa una nang naitala noong Disyembre 3 hanggang 16, 2023 na 8,629 na mga kaso ng nasabing sakit.
Ang naturang datos ay mas bumaba pa lalo nitong Enero 1 hanggang 13, 2024 na mayroon na lamang 5,572 na mga kaso.
Gayunpaman ay nilinaw pa rin ng DOH na ang naturang mga datos ay maaari pa ring mapalitan nang dahil pa rin sa mga late consultations at reports.
Samantala, ang Caraga region naman ang nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng mga kaso ng dengue sa bansa, na sinundan naman ng Soccsksargen region.