BOMBO DAGUPAN -Nakapagtala na ng higit 200 na bilang ng mga kandidatong nahatiran ng show cause order dahil sa premature campaigning at kadalasan umano sa napapatawan nito ay ang mga tumatakbo sa Sangguniang Kabataan.
Ito ay ayon kay Atty. Marino Salas, ang Provincial Election Supervisor ng Commission on Elections Pangasinan.
Mahigpit din nilang ipinagbabawal ang kahit na anong porma ng pangangampanya gaya na lamang ng pagbibigay ng T-shirts, sumbrelo at iba pang kagamitan sa pangangampanya.
Ang maaari lamang aniyang magsuot nito ay ang mga kakandidato at mga kasamahan nito.
Maging ang simpleng pamamahagi ng pang-meryenda na ang layunin ay pangangampanya ay mahigpit din nilang tinututulan dahil maituturing umano ito bilang pamimili ng boto.
May itinakda rin silang dapat na sukat lamang ng posters na kanilang maaaring ipaskil sa mga lugar na pinayagan ng Comelec.
Samantala kinumpirma ni Salas na nasa lalawigan na ang mga opisyal na balotang gagamitin sa nalalapit na eleksyon kung saan nasa bawat City Treasurers Office sa apat na syudad sa Pangasinan habang nasa Provincial Treasurers Office ang para naman sa mga munisipalidad.