-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Marami ang nagtungo sa tanggapan ng Comelec Cauayan City para makapagparehistro at makaboto sa darating na Brgy at SK Election sa Disyembre.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Jerbee Cortez, Assistant Regional Director ng Comelec Region 2 at Election Officer ng Comelec Cauayan City, sinabi niya na 8:00am ay marami nang registrants pangunahin na ang mga kabataang edad labing lima hanggang labimpito ang nakapila para magparehistro.

Matatandaang ngayong araw ang pagsisimula ng itinakdang voters registration ng Comelec para sa Brgy. at SK Election na magtatapos sa July 23, 2022.

Ang kailangan lamang dalhin ng mga magpaparehistro ay ID, Xerox copy ng kanilang birth certificate ngunit dalhin pa rin ang original copy, pwede ring magdala ng NBI Clearance at professional ID.

Ang hindi lamang tinatanggap ng Comelec ay ang Police at Brgy. Clearance para sa identity ng registrant.

Balak naman ng Comelec Cauayan City na magsagawa ng satellite registration sa mga araw ng sabado upang maasikaso ang lahat ng mga botante pangunahin na ang mga hindi makakapunta sa kanilang tanggapan.

Ayon kay Atty. Cortez, batay sa kanyang karanasan tuwing araw ng sabado ay matumal na ang bilang ng mga nagtutungo sa kanilang tanggapan para magparehistro kaya mainam na mayroon silang satellite registration lalo na sa mga malalayong barangay.

Dahil sa marami ang barangay ng Cauayan at kaunting panahon lamang ang inilaan sa voters registration ay by cluster na lamang ang satellite registration upang maiparehistro ang lahat ng botante sa bawat barangay.

Maliban sa registration ay pwede na rin ang magpa-transfer, reactivate, correction of entries tulad ng mali ang spelling ng pangalan at iba pa.

Inanyayahan naman ni Atty. Cortez ang lahat ng mga bagong botante na magparehistro na sa lahat ng mga tanggapan ng Comelec dahil bukas na sila mula alas 8:00am hanggang 5:00pm.