Itutuloy na ng pamunuan ng DepEd ang pagsasagawa ng National Simultaneous School Safety Drill bukas, araw ng Huwebes, September 3. Ayon sa DepEd, ang exercise ay bilang paghahanda sa active threat scenarios sa eskwelahan, habang sinisiguro rin ang sikolohikal at pisikal na kaligtasan ng mga mag-aaral.
Ayon naman kay DepEd Secretary Sony Angara, ang pag-reschedule ng school safety drill ay daan upang mas mapatibay pa ang kahandaan sa bawat paaralan ng hindi nakapagdudulot ng takot at stress sa mga estuyante.
Matatandaang na-reschedule ang safety drill matapos ang masinsinang konsultasyon sa medical at mental health organization, tulad ng Philippine Psychiatric Association, the Philippine Society for Child Adolescent Psychiatry, at Philippine Pediatric Society.
Nakapailalim sa konsultasyon na dapat na masigurong maipatutupad ang safety protocols at marapat din na ito ay child-centered at susunod sa trauma-informed standard.
Ayon pa kay Angara, layunin din ng drill ang pagbuo ng kalmadong practice at muscle memory sa pamamagitan ng maayos na pagsasagawa ng oryentasyon.
Bago ang mismong drill, inaabisuhan ang mga guro na bigyan ng advance notice ang mga mag-aaral, magulang, at school personnel upang masiguro ang psychological preparedness nang sa gayon ay maiwasan ang pagkabigla ng bawat isa.














