-- Advertisements --

DAVAO CITY – Naiyak sa sobrang saya ang ina ng Filipina boxer na si Nesthy Petecio matapos maipanalo nito ang kanyang laban kontra kay Yeni Marcela Arias Castaneda ng Columbia.

Inihayag ni Gng. Precilla Petecio, isang malaking katuparan para sa kanyang anak ang pagkapanalo nito na nakahiligan ang mag-boxing sa edad pa lang na 10-anyos.

Palagi umanong dalangin ng pamilya Petecio ang kaligtasan ng kanilang anak habang sumasabak sa laban nito sa Tokyo 2020 Olympic sa bansang Japan.

Hindi na umano nagtaka ang kanyang ina na makasungkit ito ng medalya dahil sa bata pa lang ay nakitaan na ito ng abilidad sa boxing.

Unang naging trainor ni Nesthy ang kanyang ama na nagtuturo rin ng boxing sa mga kabataang lalaki sa kanilang lugar sa Sta Cruz, Davao del Sur.

Hanggang sa madiskubre ng kanyang ama ang abilidad ni Nesthy sa boxing kung saan halos mga lalaki umano ang mga nakalaban nito.

Matapos ang matagumpay na laban ni Petecio, sigurado na ang pag-uwi nito ng bronze medal.

Habang todo ang panalangin naman ang pamilya nito na maipanalo pa ng Filipina boxer ang natitirang dalawang laban para makamit ng Pilipinas ang gold medal.