NAGA CITY – Inaasahang haharap na ngayong araw sa Senado ang mga iumano’y mastermind sa pastillas scheme.
Ito’y matapos ang ilang beses na hindi pagsipot ng mga ito sa mga idinaos ng pagdinig sa Senado.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay Senator Risa Hontiveros, sinabi nito na una na nilang pinadalhan ng subpoena ang ilang mga matataas na opisyal na dawit sa pastillas scheme maging ang mula sa Bureau of Immigration na una na ring pinangalanan ng whistleblower.
Ngunit bigo aniya ang mga itong magpakita sa mga nakalipas na hearing.
Dahil dito ayon kay Hontiveros, ngayong araw ay inobliga na ng Senado ang mga ito upang ganap na masagot ang mga tanong sa likod ng pastillas scheme at Visa Upon Arrival scheme.
Nabatid na dadalo ang ilan sa mga ito sa pamamagitan ng personal na pagpunta sa Senate Session Hall, habang ang iba naman ay sa pamamagitan na lamang ng virtual appearance.
Sa ngayon umaasa si Hontiveros na sa ika-pitong Senate hearing ay tuluyan nang masasagot ang mga kinakailangang impormasyon hinggil sa pastillas scheme issue sa loob ng nasabing ahensya.