KALIBO, Aklan — Binalaan ni Malay Mayor Floribar Bautista ang mga illegal tour guides na muling naglipana sa Isla ng Boracay.
Ang babala ng alkalde ay bunsod ng natatanggap na mga reklamo mula sa Department of Tourism hinggil sa tumataas na bilang ng mga tourist guides na hindi lisensyado.
Aniya, ang mga tourist guides sa isla ay sumasailalim sa pagsasanay at community guiding seminars na pinangungunahan ng Department of Tourism (DOT) at Municipal Tourism Office para sa tour guiding upang mapabuti ang kanilang pagbibigay ng serbisyo.
Kaugnay nito, lalo pang pinalakas ang kampanya laban sa mga hindi rehistradong tourist guides kasama ang composite team mula sa lokal na pamahalaan at Malay Municipal Police Station sa gitna ng patuloy na pagbuhos ng mga turista lalo na ang mga dayuhan.
Ang mag rehistradong tourist guides, coordinators at escorts ay obligadong magsuot ng ID sa lahat ng oras at dapat na maayos ang pananamit at magalang sa mga bisita.
Binabantayan rin ang mga ito kung nasa impluwensiya ng alak, droga at sangkot sa prostitusyon.
Nabatid na umabot na sa 1,189,000 ang bilang ng tourist arrivals sa Boracay simula Enero hanggang Agosto ng kasakukuyang taon o mas mataas ng 260 percent kumpara sa naitalang bisita noong 2021 sa kaparehong period.