Handang-handa na raw ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na aalalay sa mga bibiyahe ngayong Undas.
Asahan na raw kasi ang pagbuhos ng mga pasahero lalo na’t ito’y isa ring long weekend.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Carlo Dimayuga III, magde-deploy ang mga ito ng 1,500 personnel para magpatupad ng security measures at “orderliness” sa Undas ngayong taon.
Ang mga personnel daw mula sa Traffic Discipline Office, Road Emergency Group, Metro Parkways Clearing Group at Task Force Special Operations at ide-deploy sa ilang lugar sa Metro Manila mula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 2.
Maliban sa mga bus terminals, sinabi nitong ang mga traffic personnel ay ide-deploy din sa mga major roads na patungo sa mga sementeryo at transportation hubs dahil sa inaasahang pagbuhos ng libo-libong tutungo sa kanilang mga probinsiya.
Una rito, muling binigyang diin ng MMDA acting chairman na ipatutupad nila ang “no absent, no day off” policy para sa kanilang mga traffic enforcers ngayong Undas.
Samantala, sinabi naman ni Dimayuga na ang mga provincial buses ay papayagan lamang na pumunta sa mga designated back door exits para maiwasan ang traffic gridlock sa EDSA.
Nagsagawa na rin ng inspection ang MMDA personnel sa ilang bus terminal sa Cubao, Quezon City.
Suspendido rin umano ang number coding sa Oktubre 31 hanggang Nobyembre 1 na pareong special non-working holidays.
Magpapatayo rin sila ng public assistance centers na mayroong mga tent at mga ambulansiya sa limang pangunahing sementeryo sa Metro Manila partikular ang Manila North Cemetery, South Cemetery, Loyola Memorial Park, Bagbag Public Cemetery, at San Juan Public Cemetery.
Sinabi ni Dimayuga na ang Metrobase Command Center at Digital Media Group ay magmo-monitor din sa traffic situations, tutugunan ang public concerns at magbibigay ng real-time traffic updates.
Dagdag nito na ang mga sidewalk at road clearing groups ay tatanggalin din ang lahat ng uri ng obstructions sa mga major roads partikular ang mga kalsadang patungo sa mga sementeryo.
Una na ring nagsagawa ang MMDA personnel ng clearing operations sa Tugatog Public Cemetery sa Malabon at Sangandaan Cemetery sa Caloocan.