-- Advertisements --

Iniutos ng House Committee on Justice ang pagsusumite ng mga dokumento kaugnay ng mga envelope na may label na “HOPE,” na isinumite ni dating Education Undersecretary Gloria Jumamil Mercado, bilang bahagi ng impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa subpoena, pinadadalo si Marivic Pareja ng Legislative Archives upang dalhin ang mga rekord, kabilang ang affidavit ni Mercado at ang naturang mga envelope, sa pagdinig sa Abril 14, 2026.

Ayon sa naunang testimonya ni Mercado, nakatanggap umano siya ng siyam na “HOPE” envelopes mula Pebrero hanggang Setyembre 2023, na kadalasang ibinibigay ni Assistant Secretary Sunshine Fajarda at sinasabing mula mismo kay Duterte.

Samantala, sinabi rin ni Mercado na hinilingan siyang magbitiw matapos niyang kwestiyunin ang ilang isyu sa procurement program ng DepEd.

Kasama rin sa ipinapasumite ng komite ang mga transcript, video recording ng mga nakaraang pagdinig, at iba pang dokumento kaugnay ng paggamit ng confidential funds ng OVP at DepEd noong 2022 at 2023.

Patuloy ang imbestigasyon ng Kamara upang matukoy kung may sapat na batayan ang impeachment bago ito posibleng iakyat sa Senado para sa paglilitis.