
Magsasagawa ang Commission on Elections (Comelec) ng imbestigasyon sa mga guro na tumangging iturn-over ang election paraphernalia matapos umatras sa huling minuto mula sa kanilang election duty sa nakalipas na Barangay at SK elections.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, iginagalang ng komisyon ang naging desisyon ng mga umatras na guro bago ang halalan dahil ito ay karapatan nila.
Hindi rin aniya mandatoryo ang pagsisilbi ng ma ito sa araw ng halalan subalit ang pag-withdraw sa serbisyo sa mismong araw ng halalan ay hindi aniya katanggap-tanggap bagamat nais ng poll body na bigyan ang mga ito ng benefit of the doubt at kung dapat bang makasuhan o hindi ang ma ito.
Ang kumplikado pa aniya dito ay ang pagtanggi na mga ito na iturn-over ang mga election paraphernalia sa kanilang kapalit sa hindi malamang dahilan kung kayat dapat aniya itong maimbestigahan para maiwasang mangayari ulit ang kaparehong insidentedahil maaaring makapahamak ito sa halalan sa hinaharap.
Sa isasagawang imbestigasyon, layunin din aniya na mapigilan ang mga pulitiko sa pagbabanta sa buhay ng mga guro na magsisilbi sa tuwing araw ng halalan sa mga hinaharap na pagkakataon.
Sakali man na maharap sa kasong administratibo, sinabi ni Garcia na ipapaubaya na nila ito sa Department of Education o sa Bangsamoro Ministry of Basic, Higher and Technical Education.
Ginawa ng Comelec official ang naturang pahayag matapos na himukin ng Teacher;s Dignity Coalition ang poll body na tukuyin ang mga dahilan kung bakit umatras ang mga guro mula sa kanilang election duty.









