Nakatakdang pulungin ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga grupo na magsasagawa ng kilos protesta sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito’y upang maplantsa ang mga lugar na pagdarausan ng programa sa darating na July 22.
Ayon kay NCRPO director Major Gen. Guillermo Eleazar, makikipagdayalogo sila sa mga lider at kinatawan ng grupo ng mga pro at anti-Duterte para marinig ang kanilang panig at mapaghandaan ng pulisya lugar kung saan sila magtipon.
Binigyang-diin ni Eleazar na hindi nila papayagan na magsama sa iisang lugar ang magkabilang grupo dahil posibleng pagmulan ito ng gulo.
Wala rin aniyang armas na dadalhin ang mga pulis maliban lamang sa mga shield.
Bawal din ang mga containers at barbed wire sa Batasan Road at Commonwealth Avenue bilang pagpapakita ng goodwill sa mga magpoprotesta.
Samantala, nasa 15,000 personnel ang kanilang idedeploy kung saan 12,000 ay mula sa NCRPO habang ang 3,000 ay mula sa force multipliers at sa kanilang counterpart mula sa Armed Forces of the Philippines.
Nilinaw naman ng NCRPO chief na wala silang natatanggap na security threat sa SONA pero aaasahan pa rin daw na “inplaced” na ang kanilang security measures para sa pang-apat na SONA ng 74-year-old chief executive.