Hinihintay pa rin daw ng Department of Health (DOH) ang kombinasyon ng mga gamot na darating at gagamitin sa pagsisimula ng solidarity trial ng World Health Organization (WHO) sa mga piling pasyente ng COVID-19 sa Pilipinas.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, may 500 pasyente sa bansa ang nagpahayag ng kahandaan para sumali sa clinical trial ng apat na uri ng gamot, sa ilalim ng gabay ng WHO.
“Nakikipag-ugnayan po ngayon ang ating kagawan sa WHO tungkol sa pagdating ng mga gamot na gagamitin sa Solidarity Trial lalo na’t kailangan po ng mga ito ng angkop na storage requirements.”
“Habang hinihintay po ang pagdating ng shipment, maaari po nating gamitin ang mga gamot na available na mula sa HIV at malaria control programs ng DOH kagaya ng litonavir + ritonavir at ang chloroquine at hydroxychloroquine, ayon sa tamang gabay ng lisensyadong doktor.”
Ang Solidarity trial ay inisyatibong inilunsad ng World Health Organization na nilahukan na ng halos 100 bansa sa buong mundo.
Dito sa Pilipinas, 20 ospital daw ang kasali sa naturang aktibidad.