Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na napakalaking bagay ang mga piraso ng ebidensya laban kay suspended Bureau of Corrections (BuCor) director general Gerardo Bantag at ng kanyang deputy na si Ricardo Zulueta sa hit job laban sa broadcast journalist na si Percival Mabasa at ang pagkamatay ng pinaghihinalaang middleman na si Jun Villamor.
Sinabi ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr, na sa lahat ng 160 persons of interest na na-tag sa pagpatay kay Mabasa, ang mga pangyayari at ang mga key players sa pagpatay ay tumutukoy kay Bantag bilang mastermind.
Aniya, mayroon silang matibay na kaso na nakabatay sa ebidensya na isinampa laban sa ilang tao kabilang ang suspendido na BuCor Director General Gerald Q Bantag at Deputy Security Officer Ricardo Soriano Zulueta bilang mga principal sa pamamagitan ng inducement.
Malakas din ang mga ebidensya laban sa New Bilibid Prisons (NBP) inmates na sina Denver Batungbakal Mayores, Alvin Labra, Aldrin Galicia, at Alfie Peñaredonda, bilang mga principal sa pamamagitan ng indispensable cooperation para sa pagpatay kay Percy Mabasa.
Binanggit ang resulta ng joint investigation ng PNP at National Bureau of Investigation (NBI), ipinaliwanag ni Azurin na malakas na motibo ang patuloy na paglalantad ni Mabasa, na mas kilala bilang Percy Lapid, laban sa umano’y ill-gotten wealth ni Bantag.