BUTUAN CITY – Nagsasagawa na ng follow-up investigation ang pulisya sa Madrid, Surigao del Sur, kaugnay sa pagsunog sa limang heavy equipment na ginamit sa ginawang exploration ng minahan sa bukiring bahagi ng Sitio Nakatindog, Barangay Bayugo sakop sa nasabing bayan kahapon ng madaling araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Lt. Hildo Ruasa, hepe ng Madrid Municipal Police Station, rumesponde sila sa tawag na may apat na drilling machine na pagmamay-ari ng First Highlander Mining Corporation na nagsasagawa ng exploration sa lugar ang sinunog ng armadong grupo.
Nakita ang mga heavy equipment na totally damaged kaya hindi na ito magagamit pa.
Tinatayang aabot sa halos P4 milyon ang halaga ng mga drilling machine.
Samantala, ilang oras lamang ang nakakaraan o alas-12:30 ng tanghali ay sinunog naman ang isang backhoe na nasa kabilang bukid ngunit sakop pa rin ng parehong barangay.
Aabot sa P7 milyon ang halaga sa backhoe.
Sa paunang imbestigasyon, inihayag ng saksi na isang operator na tinatayang aabot sa 50 armadong lalaki na pinaniniwalaang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang nasa likod ng pangyayari.
Nag-iwan pa raw ito ng mga katagang “pasensiya na napag-utosan lang sa nakakataas.”
Ayon pa sa hepe, may nakalap siyang impormasyon galing sa taongbayan na hindi umano nagbigay ng revolutionary tax ang kompanya kaya ito ay sinilaban.