Kulang pa rin ang mga dokumentong kinakailangan para mailabas na ang fuel subsidy na ipinapangako ng pamahalaan sa transport sector na apektado nang ilang serye nang pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa pulong ng House Fuel Crisis Ad Hoc Committee, sinabi ni LTFRB chairman Martin Delgra na posibleng ngayong araw o bukas pa makakarating sa Department of Budget and Management ang hinihintay na dokumento.
Ayon kay Delgra, tatlong dokumento ang kailangan makumpleto para mailabas na ang fuel subsidy na ito, at ang hinihintay na lamang ay ang joint memorandum circular sa pagitan ng Department of Transportation, LTFRB, Department of Energy at Department of Budget and Managment.
Sinabi naman ni DBM Undersecretary Rolando Toledo na binibigyan nila ng hanggang ngayong linggo ang DOTr, LTFRB at DOE na maisumite ang mga kaukulang dokumento.
Nabatid na aabot sa P2.5 billion ang ang alokasyon na inilalaan ng DOTr at ng LTFRB para sa mahigit 160,000 driver beneficiaries.
Ang bawat beneficiary ay nakatakdang makatanggap ng P6,500 na one-time fuel subsidy.