LEGAZPI CITY – Isinailalim sa lockdown ang apat na departamento ng Albay Power and Energy Corporation (APEC) matapos na umabot na sa 14 ang mga nagpositibo sa COVID (Coronavirus Disease).
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Pat Gutierez, tagapagsalita ng APEC, ipinasara para sa disinfection ang kanilang Maintenance, Collection at Technical Department, maging ang opisina ng General Manager kung saan mula ang mga tauhang tinamaan ng COVID.
Nabatid na mismong general manager ng korporasyon na si Apolinario Alvarez at iba pang mga senior officials ay positibo na rin sa deadly virus.
Sa kabila nito, tuloy pa rin ang massive disconnection campaign ng APEC kung saan lahat ng munisipalidad at lungsod sa lalawigan ay binigyan na ng listahan ng Top 10 barangay na ‘di nakakabayad ng bill at nakatakda ng putulan ng suplay.