Inirekomenda ng Department of Health (DOH) na muling sumailalim sa COVID-19 test ang mga pasahero na dadating sa Pilipinas makalipas ang limang araw.
Ang pagbabago sa COVID-19 protocol ay para raw masiguro na walang pasaherong papasok sa bansa ang carrier ng nakamamatay na virus.
Ayon kay Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, inirekomenda na nila ang naturang hakbang sa technical working group ng Inter-Agency Task Force (IATF) kung saan pagdating sa bansa ng mga Pilipinong byahero ay kailangan nilang ulitin ang kanilang swab test sa ika-limang araw ng kanilang pananatili sa bansa bago sila pakawalan ng mga local government units (LGUs).
Sa ganitong paraan aniya ay mas magiging accurate umano ang resulta kung negatibo o positibo ang isang indibidwal.
Ginawa ang hakbang na ito matapos magpositibo sa bagong variant ng coronavirus ang ilan sa mga close contacts ng lalaking Pinoy na unang dinapuan nito makaraang bumalik nito sa Pilipinas mula United Arab Emirates.
Kapwa nagpositibo rin sa UK coronavirus variant ang nobya at ina ng pasyente.