-- Advertisements --
PITX CORPO AFFAIR HEAD JASON SALVADOR

Aminado ang pamunuan ng Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX) na posibleng ang maraming requirements bago makabiyahe ang dahilan kung bakit kakaunti pa lamang ang mga nagpa-reserve ng tickets para sa mga bagong ruta ng bus na binuksan na ngayong araw.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines, kay PITX Corporate Affairs Head Jason Salvador, sinabi niyang wala pa silang namataang mga bus na bibiyahe sana ngayong araw.

Aniya, sa pakikipag-ugnayan nito sa mga bus operators ay kakaunti pa lamang daw ang mga nagpa-reserve sa kanila kayat posibleng ngayong araw ay kulang pa ang pasahero sa bawat bus kaya naman hindi pa sila bibiyahe.

Dahil dito, makikipagpulong daw ang pamunuan ng PITX sa mga bus companies na pinayagan nang bumiyahe para plantsahin pa ang mga panuntunan sa pagbiyahe.

Kung maalala maraming requirements ang inilabas ng pamahalaan sa mga pasaherong gustong bumiyahe sa mga bagong ruta gaya na lamang ng pagdadala ng traverl pass mula sa PNP, ID, pagdadala ng kasulatang pumapayag na magpa-Coronavirus disease 2019 (COVID-19) test at pag-quarantine kung kinakailangan.