-- Advertisements --

Mahigpit na binabantayan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga residente na nais bumalik sa kani-kanilang tahanan.

Ito ay dahil sa nagpapatuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Taal.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Regional Office (PRO)-4A CALABARZON (Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon) regional police director B/Gen. Vicente Danao, kaniyang sinabi na halos lahat na ng mga residente na nasa danger zone ay nailikas na.

Pero ayon sa heneral, may mangilan-ngilan pa rin ang nasa area at ito ang kanilang tinututukan upang masiguro na wala ng residente na nasa danger zone.

“Marching order” aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang mga sibilyan ang maiipit sa danger zone kaya pinapayagan nila ang ilang mga residente na makabalik pero panandalian lamang at kasama ang mga pulis o sundalo.

Kahapon, ipinatupad na ng mga otoridad ang “lockdown” sa mga bayan ng Talisay, Balete, Lemery, San Nicolas, Agoncillo at Laurel, na deklaradong mga danger zone.

Sinabi ni Danao na may ilang lugar na ang nagsisimulang linisin ng Department of Public Works and Highways at katuwang dito ang mga tauhan ng PNP.

Binisita na rin ni PNP officer-in-charge Lt. Gen. Archie Gamboa ang mga tauhan ng PRO-4A at pinatitiyak sa mga pulis na gumamit ng face mask.

Siniguro rin ni Danao ang seguridad sa iba’t ibang evacuation centers.