-- Advertisements --

Limang araw bago ang Pasko ay pumalo na sa mahigit 110,000 ang bilang ng mga biyaherong dumadagsa sa iba’t-ibang mga pantalan sa buong bansa.

Batay sa pinakahuling ulat na inilabas ng Philippine Coast Guard, mula alas-6:00am hanggang alas-12:00nn ngayong araw, Disyembre 20, 2023 ay umabot na sa kabuuang 113,355 ang bilang ng mga pasaherong kanilang naitatala sa mga pantalan sa buong Pilipinas.

Mula sa naturang bilang ay aabot sa 62,914 ang pawang mga outbound passenger, habang nasa 50,441 naman ang mga naitalang inbound passengers.

Kaugnay nito ay nagpakalat din ang coast guard ng 2,734 na mga frontline personnel nito sa 15 PCG Districts na nag-inspeksyon naman sa 514 barko, at 809 motorbancas.

Ang mga ito ay bahagi pa rin ng OPLAN BIYAHENG AYOS: PASKO 2023 ng PCG para tiyakin na magiging ligtas ang pagbiyaheng tawid dagat ng mga kababayan nating uuwi sa kani-kanilang mga probinsya para magdiwang ng Pasko at Bagong Taon kasama ang kanilang mga mahal sa buhay.

Magugunita na mula noong Disyembre 15, 2023 ay itinaas na sa heightened alert status ang buong hanay ng PCG na inaasahang magtatagal naman hanggang Enero 3, 2024 bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa lahat ng mga pantalan sa bansa.