KORONADAL CITY – Umabot sa 23 indibidwal ang personal na pumunta sa himpilan upang humingi ng tulong matapos mabiktima ng isang nagsarang investment scam.
Ayon kay alyas Linda, isa sa mga complainant, kinilala nila sa nagngangalang Pastor Joey Gabac ang umano’y nagpatayo ng satellite office ng ALAMMCCO sa Barangay Namnama, Koronadal City.
Ibinahagi nito na halos nasa P3 milyon ang kanilang na-invest sa pamamagitan ng nasabing pastor pero wala pang naibabalik kahit piso sa kanila.
Nais umano ng mga ito na managot ang pastor at ibalik ang pera na hindi naman pala donasyon kung tawagin, kundi isang “money back guarantee” ang ipinangako sa kanila.
Simula noong nakaraang taon ay umaasa sila na kahit papano ay makatanggap sila ng pera sa kanilang inihulog, lalo’t may ilan na rin sa kanilang mga ari-arian ay ibinenta ng mga ito.
Nagsampa ng kaso ang mga ito sa National Bureau of Investigation laban sa mga suspek ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring aksyon.
Sa ngayon, hiling na lamang ng mga ito na maibalik ang kanilang pera at mapatunayan na nagkasala ang magkakapatid na Gabac dahil sa nakamkam na pera na nakuha sa naturang investment scam.