-- Advertisements --

Umaasa si Trade Secretary Ramon Lopez na mabibigyan ng benepisyo ang mga tapos nang magpabakuna kontra COVID-19.

Sinabi ito ni Lopez sa symbolic vaccination ng A4 priority group sa SM Mall of Asia sa Pasay City ngayong Hunyo 4, 2021.

Sinabi ni Lopez na makikipag-ugnayan sila sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) para sa mga benepisyo na maaring maibigay sa mga indibidwal na tapos nang maturukan ng second dose ng COVID-19 vaccines.

Kabilang sa mga nakikita niyang posibleng ibigay na benepisyo sa mga nabakunahan na ay ang pagpayag sa mga 65-anyos pataas na makalabas na ng kanilang bahay.

Kasama rin dito ang mas maikli na quarantine period sa mga babiyahe kapag sila ay nakakuha ng negative result sa RT-PCR test.

Sa pagsisimula nang pagbabakuna sa A4 priority group, umaasa si Lopez na kalaunan ay mas marami pang industriya na mahalaga sa ekonomiya ang mapapahintulutan na makapagbukas na ulit.

Ito ay dahil mas pinalawak na rin kasi aniya ang classification sa A4 priority group upang sa gayon mas maraming mga economic frontliners ang mabibigyan ng pagkakataon na makapagpabakuna.

Nasa 50 indibidwal mula sa iba’t ibang sektor kabilang na ang edukasyon, turismo, transportasyon, mass media, service at business process outsourcing ang nakatanggap ng kanilang first dose ng bakuna sa symbolic vaccination para sa A4 priority group ngayong araw.