Nadagdagan pa ang mga bayan sa Iloilo kung saan may mga taniman ng palay na inatake ng atangya o rice black bug.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Engr. Jose Albert Barrogo, director ng Department of Agriculture Region 6, sinabi nitong naitala ring apektado ng atangya ang taniman ng palay sa Janiuay, Dingle, Concepcion, Cabatuan, at Pototan.
Ayon kay Barrogo, ang naturang mga peste ay unang umatake sa Barangay Aglosong sa bayan ng Concepcion kung saan sako sakong mga atangya ang nakuha.
Aniya, umabot sa 15 hanggang 20 ektarya ng taniman ng palay ang apektado ng naturang mga peste.
Sa kabila nito, ipinaliwanag ng regional direktor na hindi pa alarming ang pag-atake ng rice black bugs sa Iloilo at may mga hakbang na umano ang Department of Agriculture upang i-address ang problemang ito ng mga magsasaka sa lalawigan.
Bago nito, unang pinayuhan ng Iloilo Provincial Agriculture Office sa mga magsasaka na maglagay ng light trapping device upang mahuli ang mga insekto.
Napag-alamang ang matinding atake ng atangya ay kayang pumatay ng mga halaman.