Patuloy na inaalalayan ng Philippine Red Cross (PRC) ang mga batang na-rescue, mula sa landslide na naitala sa Davao Region.
Kabilang sa mga sinaklolohan ng kanilang rescuers ang tatlong taong gulang na batang babae at dalawang buwang gulang na sanggol na lalaki sa Davao de Oro.
Bagama’t nadala na ang mga biktima sa Doctors Community Hospital sa Mawab, sa pamamagitan ng PRC Emergency Medical Services team, patuloy pa rin ang pagsubaybay nila sa mga ito para sa posibleng pangangailangan ng dugo at iba pa.
Pinapurihan naman ni PRC Chairman Dick Gordon ang matiyang aksyon ng kanilang responders na nagbunga naman ng pagkaka-salba sa nasabing mga bata.
Dahil sa pangyayari, nabuhayan ng loob ang iba pang may nawawalang kaanak na baka buhay pa ang kanilang mga mahal sa buhay, kahit ilang araw na matapos ang trahedya.