KORONADAL CITY – Mahigpit na pinagbabawalan ng pamunuan ng sikat na Divine Mercy Shrine sa bayan ng Lake Sebu, South Cotabato ang pagtulog ng mga hindi kasal o hindi mag-asawa ngayong Holy Week.
Ito ang kinumpirma ni Lake Sebu tourism officer Leslie Boclares sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Boclares, inaasahan na umano ang pagdagsa ng mga bakasyunista ngayong Biyernes Santo sa magagandang lugar sa kanilang bayan at kasama na ang Divine Mercy Shrine.
Ngunit, iginiit ni Boclares na sariling panuntunan ng nabanggit nga lugar ang pagbabawal sa mga magkasintahan o sinumang magkapareha na hindi kasal na matulog sa kanilang mga accommodation rooms.
Napag-alaman na maraming dumadayo sa nabanggit na lugar dahil sa malaking estatwa ni Hesukristo na umano’y nagbibigay ng healing power sa mga bumibisita roon.
Maliban diyan, tahimik pa at malamig ang lugar na pabor para sa mga nais magpahinga, magnilay-nilay at manalangin ngayong Holy Week.