DAVAO CITY – Naitala ngayong taon ng Department of Health – Davao Region ang kabuoang 214 na mga bagong kaso ng HIV/AIDS sa bouong Davao Region.
Base sa record ng Department of Health Davao Center for Health Development Surveillance Unit mula Enero hanggang Agosto, ang lungsod ng Davao ang nangunguna sa anim na mga probinsya sa Davao Region na nakatala ng pinakamaraming kaso ng HIV/AIDS na umabot sa 161.
Sinundan ito ng Davao del Norte na may 28 na mga kaso; Davao de Oro na may 9; Davao del Sur na may 8; Davao Oriental na may 5 at Davao Occidental na may 3 kaso.
Pinakamarami din sa mga nahawaan ang mga lalaki na aabot sa 205 ang bilang habang 9 naman ang mga babae na may edad 25 hanggang 34 taong gulang.
Natala rin ang 149 kaso ng mga lalaking nakipagtalik sa kapwa nitong lalaki.
Maliban dito, aabot sa sampung mga OFWs sa Davao Region ang nagpositibo sa HIV/AIDS mula Enero hanggang Abril nitong taon.
Sa kabuuan, mula 1993 hanggang sa kasalukuyan, nasa 251 ang natalang namatay dahil sa HIV/AIDS.