-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Tatlong gates ang binuksan ng Butuan Central Elementary School upang mas mabilis na ma-accommodate ang mga estudyante mula alas-5:00 hanggang alas-7:30 ng umaga.

Ito ay alinsunod sa mas mahigpit na security measures na ipinatupad ng Department of Education matapos ang insidente ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.

Ayon kay school principal Dr. Jocelyn Carampatana, sinimulan na nila ang inspeksyon ng mga bag ng mga estudyante at kanilang mga kasama gamit ang metal detector at dahil sa dami ng pumapasok, ginamit din nila ang ikalawa at ikatlong gate bilang karagdagang pasukan.

Sa inspeksyon, may nakuhang gunting at bolo sa mga bag ng bata, kaya iminungkahi na manatili na lamang ang mga ito sa classroom at huwag dalhin araw-araw.

Ipinaliwanag ni Dr. Carampatana na matagal nang inanunsyo ang patakarang ito noong Brigada Eskwela kaya’t napapanahon ang pagpapatupad nito.

Hiniling din niya sa mga magulang na ayusin na sa bahay pa lang, ang mga gamit ng kanilang anak upang hindi maantala sa inspeksyon.

Bukod dito, magdadagdag pa sila ng CCTV cameras at i-upgrade ang nasa Gate 3 upang mas mapalakas ang seguridad ng paaralan.