-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN -Ibinahagi ng National Federation of Sugar Workers na karamihan sa apektadong mga magsasaka sa kanilang hanay ay nasa mga lalawigan ng Cagayan at Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay John Milton Lozande, Secretary General ng naturang organisasyon, sinabi nito na nangangalap pa ang kanilang hanay ng kabuuang datos sa taniman ng mga tubo ang nasira bunsod ng pananalasa ng Bagyong Egay.

Umaasa naman ito na hindi ganon kalala ang epekto ng pagbaha sa mga lugar na lubos na nasalanta ng naturang bagyo lalo na’t marami ang bilang ng mga sugar farmers sa mga nabanggit na lugar. Mataas din aniya ang bilang ng mga magsasaka ang hindi kayang sustentuhan ang kanilang gastusin sa pagtatanim ng tubo, lalong lalo na sa mga kagamitan na kinakailangan nila gaya na lamang ng pataba at iba pa.

Kaugnay nito ay nagpapatuloy naman aniya ang kanilang isinasagawang pakikipagugnayan at panawagan sa mga kinauukulan mayroon mang kalamidad o wala, subalit kakarampot lamang ang suporta na ibinibigay sa kanila ng gobyerno partikular na sa kanilang panawagan na pababain ang cost of production ng abono.

Saad ni Lozande na magpahanggang sa ngayon ay wala pa ring signipikanteng pagtugon na ginagawa ng pamahalaan hinggil sa usaping ito.

Dagdag pa nito na kahit pa nadagdagan ng bahagya ang pondong nakalaan para sa sektor ng pagsasaka ay hindi ito napupunta lahat sa mga magsasaka na dapat ay nabebenepisyuhan mula rito, subalit ay kalakihan mula sa pondo ay inilalaan para sa farm-to-market roads.

Dahil dito ay mabilis ang pagbulusok ng self-sufficiency ng bansa pagdating sa mga produktong pang-agrikultura at lalo pa itong bababa kung hindi ito bibigyang-pansin ng pamahalaan.