Nagkaisa umano ang mga alkalde mula sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila na pakiusapan ang Inter-Agency Task Force (IATF) para muling isailalim sa General Community Quarantine (GCQ) ang National Capital Region (NCR) sa loob ng 30 araw.
Sinabi ni Parañaque City Mayor at Metro Manila Council chairman Edwin Olivares, na kanilang natalakay ang naturang paksa sa isinagawang mayors’ meeting noong Linggo kasama ang ilang miyembro ng gabinete.
Ilan sa mga dumalo sa nasabing pagpupulong ay sina IATF Chief Implementer Carlito Galvez, Interior Secretary Eduardo Año na kagagaling lamang sa COVID-19, Department of Social Welfare and Development Sec. Rolando Bautista at si COVID-19 Deputy Chief Implementer Vince Dizon.
Ipapaalam muna aniya nila sa IATF ang kanilang plano upang sila na mismo ang mag-rekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Paliwanag ni Olivares, ang hakbang na ito ay para raw maging maayos ang paghahanda ng mga alkalde sa unti-unting pagbukas ng ekonomiya dahil batid nila ang paghihirap na dinadanas ng publiko dahil sa coronavirus pandemic.