-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nakatakda nang ipasara pansamantala ang mga paliparan sa New Zealand dahil sa banta ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.

Ito’y matapos umakyat na sa 53 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa nasabing bansa kung saan karamihan ay naka-isolate sa kani-kanilang bahay at ilan ay nananatili sa pagamutan.

Sa ulat ni Bombo International Correspondent Efren Gaspi sa Bombo Radyo Legazpi, marami nang flights ang nakansela sa mga nakalipas na araw at naghigpit din sa mga ipinapatupad na precautionary measures.

Sinasabing malaking bilang sa mga nadagdag sa kaso ay travel-related kaya’t pinayuhang sumunod sa 14-day self-isolation ang mga bagong dating.

Nabatid na dalawang Chinese national din ang na-deport matapos na sumuway sa kautusan.

Sa ngayon, ipinag-utos na ni New Zealand Prime Minister Jacinda Ardern na tanging mga taga-New Zealand at mga residence visa holder sa bansa ang papayagan pang pumasok bago ang nakaambang border closure mula sa Huwebes ng susunod na linggo.

Naglaan na rin ang pamahalaan ng New Zealand $12.1 billion na gagamitin bilang wage subsidy at suporta sa tatamaang business sector.