-- Advertisements --
image 358

Nakatanggap ng napakalaking suporta ang nalalapit na kauna-unahang summer edition ng Metro Manila Film Festival (MMFF) dahil 33 pelikula ang nagsumite ng kanilang aplikasyon, na umaasang makasali sa event sa darating na buwan ng Abril.

Ayon sa kanilang pahayag, 23 sa 33 submission ay mga bagong pelikula habang ang iba pang 10 ay muling isinumite mula sa December 2022 Metro Manila Film Festival..

Inilarawan ni Metropolitan Manila Development Authority Acting Chairman Atty. Romando Artes na makasaysayan ang unang Summer Metro Manila Film Festival dahil ito unang pagkakataon na tumanggap ng pinakamataas na bilang ng pagsusumite ng pelikula mula nang magsimula ang naturang Festival.

Aniya, sa dami ng record-breaking na mga pelikulang naisumite, masasabi umanong bumalik na sa kanilang tinatahak na daan ang mga local movie industries at nagsisimula na namang gumawa ng mga de-kalidad na pelikula para tangkilikin sa kauna-unahang Summer Metro Manila Film Festival.

Dagdag niya na ang Metropolitan Manila Development Authority at ang industriya ng pelikula ay parehong nasasabik at inaabangan ang tagumpay ng summer film fest na isa pang paraan upang ipakita ang lokal na talento sa paggawa ng world-class Filipino films.

Kaugnay niyan, ang walong opisyal na entry na isasama sa film festival ay iaanunsyo sa darating na February 24.

Sila ay pipiliin batay sa mga pamantayan na artistic excellence, commercial appeal, Filipino cultural sensibility, at global appeal.

Ang unang Summer Metro Manila Film Festival ay mapapanood sa lahat ng mga sinehan sa buong bansa mula April 8 hanggang 18, kung saan ang Parade of Stars naman ay nakatakdang isagawa sa Quezon City sa April 1 at ang Gabi ng Parangal ay magaganap sa April 11.