-- Advertisements --
motorcycle riders

Inihayag ni Metro Manila Council President at San Juan City Mayor Francis Zamora na nais niyang magsagawa ng dry run para sa pagpapatupad ng single ticketing system sa National Capital Region (NCR).

Aniya, dapat na magkaroon ng trial period upang kapag nagkaroon na ng actual implementation ay alam na ang dapat gawin ng mga opisyal para sa sistema.

Ayon kay Zamora, magkakaroon din sila ng information campaign para matiyak na alam ng publiko ang bagong sistema.

Giit naman ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairperson Romando Artes, ganap nilang ipatutupad ang single ticketing system kung handa na ang mga traffic enforcer.

Kung matatandaan, sinabi ni Zamora na magsisimula ang single ticketing system sa NCR sa loob ng Abril matapos aprubahan ng Metro Manila Council ang Metro Manila Traffic Code of 2023, na magsisilbing guideline para sa bagong sistema.

Layunin ng single ticketing system na magtatag ng pare-parehong patakaran sa mga paglabag sa trapiko at sistema ng parusa sa Metro Manila.