Nilinaw ng Manila Electric Co. (Meralco) na hindi ito kumikita mula sa mga “pass-through charges” sa kuryente at ang lahat ng sinisingil sa mga konsyumer ay dumadaan umano sa regulasyon ng pamahalaan.
Ayon kay Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga, ang bawat item sa electric bill ay inaprubahan ng mga regulatory agencies bago ipatupad at ito rin daw ay bahagi ng sistemang sinusunod ng lahat ng distribution utilities sa bansa.
Ipinaliwanag ng kumpanya na kabilang sa mga sinisingil sa kuryente ang generation, transmission, subsidies para sa ilang sektor, at iba pang government-mandated charges na direktang ipinapasa sa kaukulang ahensya at hindi napupunta sa kita ng Meralco.
Ginawa ng kumpanya ang pahayag kasunod ng mga serye ng reklamo ng ilang konsyumer kaugnay ng pagtaas ng singil sa kuryente sa gitna ng krisis sa enerhiya, kabilang ang P0.64/kWh increase noong Marso at P0.53/kWh na dagdag ngayong buwan.
Giit ng Meralco, ang kanilang sariling distribution charge ay hindi nagbago mula pa noong 2022 matapos itong bawasan.
Dagdag pa ng kumpanya, patuloy silang magbibigay ng malinaw at tamang impormasyon sa publiko upang mas maunawaan ang breakdown ng kanilang electric bills at mapanatili ang transparency at accountability sa kanilang operasyon.















