-- Advertisements --
DOE MERALCO
IMAGE | Energy Sec. Alfonso Cusi met with Meralco officials on Wednesday, June 3/DOE Media

Inatasan ng Department of Energy (DOE) ang Manila Electric Company (Meralco) na maglabas ng guidelines sa ipapatupad na “installment arrangement” na pagbabayad sa bill ng kuryente para sa mga petsang sakop ng enhanced at modified enhanced community quarantine.

Nitong Miyerkules nang humarap si Energy Sec. Alfonso Cusi sa meeting kasama ang Meralco officials kung saan natalakay ang implementasyon ng bagong electric bill ng kanilang consumers.

Kung maaalala, inirekomenda ng kalihim sa kompanya na maglabas ng panibagong electric bill na naka-base sa aktwal na meter readings. Hindi kaso sang-ayon si Cusi sa mga naunang bill na nilabas ng Meralco “estimated consumption” lang ang pinagbasehan.

“Be transparent and put consumer welfare first at all times,” ayon sa kalihim.

Una nang sinabi ng Meralco na bibigyan nila ng apat na buwang palugit ang mga consumer para makapagbayad sa electric bills na sakop ng ECQ at MECQ implementation.

Maglalabas naman daw ang kompanya ng liham sa mga customer na nagpapaliwanag sa billings para sa buwan ng Mayo at Hunyo.

Una nang inalis ng kompanya ang P47 “convenience fee” na ipinataw para sa mga customer na magbabayad ng bill sa kuryente, sa pamamagitan online transaction.