-- Advertisements --

Nagsimula nang maghanap ng mga power supplier ang Manila Electric Co. (Meralco) para sa kabuuang 600 megawatts (MW) ng kuryente sa ilalim ng 15-taong power supply agreements (PSA), bilang bahagi ng pagsisikap nitong matiyak ang tuloy-tuloy at abot-kayang suplay ng kuryente sa mga susunod na taon.

Layunin ng hakbang na masiguro ang tuloy-tuloy at maaasahang supply ng kuryente, habang pinapanatili ang abot-kayang singil para sa mga konsyumer nito.

Nabatid na ang naturang power supply agreements ay hahatiin sa dalawang bahagi—tig-300 megawatts bawat isa—na inaasahang magsisimula sa taong 2028 at 2029, depende sa aproval ng Energy Regulatory Commission.

Bubuksan ang proseso sa lahat ng kwalipikadong power generation companies, na maaaring magsumite ng kanilang interes hanggang Hulyo 14. Susundan ito ng pre-bid conference sa Hulyo 28, at pagsusumite ng mga bid sa Setyembre 1.

Isasagawa rin ang proseso sa isang transparent upang matiyak ang patas na pagpili ng mga supplier.

Ang Manila Electric Company ang pangunahing nagsu-supply ng kuryente sa Metro Manila at ilang bahagi ng Bulacan, Cavite, Rizal, Laguna, Batangas, Pampanga, at Quezon.