Muling papasanin ng mga kustomer ng Manila Electric Company (Meralco) ang panibagong pagtaas sa singil sa kuryente ngayong buwan ng Abril.
Sa inilabas na abiso ng kumpanya nitong Biyernes, magpapatupad ang Meralco ng P0.53 kada kilowatt-hour (kWh) na dagdag sa kanilang power rate.
Bunsod ng nasabing umento, inaasahang aabot sa P106 ang idadagdag sa kabuuang babayaran sa bill ng mga pangkaraniwang kabahayan na kumukunsumo ng 200 kWh kada buwan.
Ayon sa pamunuan ng Meralco, ang upward adjustment na ito ay pangunahing idinikta ng patuloy na pagtaas ng generation costs.
Paliwanag ng kumpanya, ang pagmahal ng gastos sa paglikha ng kuryente ay direktang epekto ng paghina o depreciation ng piso laban sa US dollar.
Ang pagbagsak ng halaga ng lokal na salapi sa pandaigdigang merkado ay pinalala pa umano ng patuloy na krisis at tensyon sa Middle East.
















