BOMBO DAGUPAN – “Proud to be a Filipino.” Ito ang isa sa reaksyon ni Bombo International Correspondent Atty. Arnedo Valera mula sa Estados Unidos sa naging talumpati ni Pangulong Ferdinand “Bong Bong” Marcos Jr. sa United Nations General Assembly (UNGA) sa New York City.
Ayon kay Valera, kapag papakinggan ang mensahe ng pangulo sa UNGA, ito umano ay inilarawan niyang “very impressive, precise, and clear” lalo na sa pagtalakay niya sa mga napapanahong isyu at paksa sa Pilipinas at iba pang bansa.
Ilan nga dito ang patungkol sa climate change, development of advance technology, widening geoplolity strategies na may collective action para sa kapayapaan, at gayundin ang role ng pandemic sa nangyayaring krisis pang-ekonomiya sa iba’t ibang bansa.
Ang mga pahayag ng pangulo ukol sa mga nabanggit na talakayin ay nagpapakita umano ng kaalaman nito sa iba’t ibang mga pagsubok na kinakaharap ng mga tao at ng mundo.
Ngunit isa sa hinangaan ni Valera ay ang paglalatag ng pangulo sa foreign policy na, “A friend to all and an enemy to none” lalo na sa posisyon nito kaugnay sa West Philippine Sea.
Maliban pa rito, magandang hakbang din umano ang pagdalo ng presidente sa naturang pagpulong kasama ng iba pang mga lider sa bansa para mapayabong ang foreign investment at food security sa bansa.
Samantala, maituturing naman na “historical moment” ang naging tagpo sa pagkakataon na makapagsalita sa poduim ng UN ang pangulo dahil sa makalipas ang 14 na taon, ay may isang lider sa South East Asia ang muling nakapagbigay ng talumpati sa UN.
Ayon kay Bombo International Correspondent Isidro Madamba Jr. mula sa California, USA isang magandang pagkakataon lalo na sa mga Pilipino ang pagbibigay ng mensahe ni PBBM sa mga napapanahong mga talakayin sa bansa at sa buong mundo.
Dagdag pa niya, nagagalak ang mga Pilipino na naninirahan at nagtatrabaho sa naturang bansa lalo na at nailatag ng pangulo ng maayos ang kanyang hangarin para sa Pilipinas at gayundin ang kanyang foreign policy.