-- Advertisements --
World Police and Fire Games China

VIGAN CITY – Nakatakdang mag-courtesy call kay Ilocos Sur Governor Ryan Singson ang nag-iisang taga-Ilocos Sur at taga-Region 1 na naipadala sa World Police and Fire Olympics sa China nitong August 8 hanggang August 19.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay retired Police Lt. Danilo Retreta, sinabi nito na nakapag-uwi ang men’s basketball team ng dalawang silver medal.

Natalo lang aniya sila sa finals ng 3×3 basketball games laban sa Team Hong Kong, at sa 5×5 basketball games laban sa Team USA.

Sa kabila nito, masaya si Retreta dahil siya ang nag-iisang taga-Ilocos Sur at taga-Region 1 na naipadala sa nasabing palaro, kasama ng 181 iba pang delegado na ipinadala ng Philippine National Police (PNP).

Maliban sa men’s team, wagi rin ang women’s basketball team ng silver medal sa kanilang sinalihang torneyo.

Ang World Police and Fire Games ay nagsimula sa San Jose, California noong 1985 at mula noon ay kada dalawang taon na itong isinasagawa sa iba’t-ibang bahagi ng mundo.