
Puspusan na ang pagpaplano ng Bureau of Corrections (BuCor) sa itatayong malaking Coronavirus disease 2019 (COVID-19) facility sa loob ng compound ng New Bilibid Prisons (NBP).
Kasunod na rin ito ng patuloy na pag-alma ng local government unit (LGU) ng Muntinlupa City at mga residente sa paglipat sa mga inmate mula Correctional Institution for Women (CIW) na may covid sa pasilidad ng pambansang piitan.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, ang objective daw at pinaghahandaan ngayon ng NBP ay ang pagtatayo ng malaking quarantine facility na tatawing “tent city.”
Dahil dito, tuloy-tuloy na ang koordinasyon ng NBP sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa naturang proyekto.

Maalalang noong nakaraang linggo nang ilipat ang mga inmate mula sa CIW na nag-positibo sa virus.
Nasa 18 inmate sa CIW ang unang nag-positibo sa covid habang marami pa ang isinailalim sa covid test.
Namatay na rin ang kauna-unahang covid positive mula sa NBP na isinugod sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
















