Nanawagan ang Philippine Medical Students’ Association (PMSA) sa national government na palakasin ang COVID-19 testing at contact tracing sa harap ng banta ng mas nakakahawang Delta variant.
Ayon sa PMSA, mahalaga ang hakbang na ito para matukoy ang actual epidemiologic curve at ang kalbaryong hatid ng COVID-19 pandemic.
Sa ngayon, nabatid na ang contact tracing ratio sa Pilipinas ay 1:6, malayo sa ideal na 1:39 ratio.
Bukod sa testing at contact tracing, sinabi ng PMSA na dapat palakasin din ang genomic surveillance para ma-detect kaagad ang mga nagsusulputan na variants na maaring magdulot ng karagdagang mga kaso.
Hinimok din nila ang national government na bilisan ang vaccination drive upang sa gayon ay makamit kaagad ang herd immunity at mabawasan ang tsansa na makapag-mutate pa ang virus.