Nakatakdang humarap sa isang meeting ang hanay ng medical groups at Inter-Agency Task Force (IATF) para pag-usapan ang mga posibleng solusyon sa lumalalang COVID-19 situation ng Pilipinas.
Sa isang panayam ipinaabot ni Dr. Mario Panaligan, presidente ng Philippine College of Physicians (PCP), ang pagkilala sa tugon ng pamahalaan sa hiling nilang bigyan ng “time out” ang mga frontliners.
Nitong Linggo ng gabi nang aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng IATF na isailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
Ito’y kahit ECQ ang ikinakampanya ng medical groups sa kanilang statement noong Sabado.
Nilinaw naman ni Dr. Panaligan na hindi sila naghahanap ng gusot o rebolusyon. Ito’y matapos punahin ni Duterte ang pagsasapubliko ng medical groups sa kanilang hinaing.
Ayon sa doktor, nais lang nilang makausap ang pamahalaan para magkaroon ng mas tiyak na plano laban sa pagkalat ng sakit.










