Mahigit 30 na news organization ang pumirma sa isang open letter bilang pakikiisa sa mga journalist na nagtatrabaho sa Gaza at bilang panawagan para sa kanilang proteksiyon at kalayaan na makapag-report.
Ito ay pinangunahan ng Committee to Protect Journalists at pinirmahan ng international news agencies at iba pang media outlets sa iba’t ibang bansa.
Ayon sa liham, halos limang buwan nang nagtatrabaho ang ilang journalists sa Gaza na siyang tanging impormasyon ng mga kaganapan sa Palestinian territory.
Nakasaad din dito na ang mga journalist ay mga sibilyan kaya nararapat lamang umano na protektahan sila ng Israeli authorities bilang pagsunod na rin sa international laws.
Base sa huling ulat ng Committee to Protect Journalists, 89 na ang naitatalang namatay na journalist at media workers sa Gaza.
Kabilang sa mga pumirma ang Association for International Broadcasters at World Association of Newspapers and News Publishers.