LEGAZPI CITY – Gustuhin mang tumulong subalit wala umanong magagawa ang Milagros Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa Masbate para makauwi sa island province ang mga stranded na kababayan sa pantalan ng Pioduran, Albay.
Ayon kay Milagros MDRRMO head Engr. Rommel Magbalon sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, una nang nababaan ng notice of coordination ng lokal na pamahalaan ang mga ito subalit inabutan ng Executive Order 26 ni Gov. Antonio Kho.
Batay sa kautusan, hindi tatanggapin sa lalawigan kahit ang mga Authorized Persons outside of Residence (APOR), kung hindi fully vaccinated 15 araw bago ang biyahe.
Tinangka na rin aniyang ilapit ang sitwasyon sa provincial government subalit sumunod na lamang umano, ang payo dahil patuloy pa ang pagtaas ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa Masbate.
Hindi rin otorisado ang LGU na magbigay ng “go signal” na makabiyahe ang mga ito kaya’t maghihintay na lamang ng opisyal na paglift ng nasabing direktiba.
Sa kasalukuyan, pahirapan na ang sitwasyon ng daan-daang stranded passengers sa Pioduran dahil karamihan ay wala nang pera habang ilan ang nagkakasakit na.