GENERAL SANTOS CITY – Mahaharap sa kaso si GenSan Mayor Ronnel Rivera matapos hindi sinunod ang direktiba ng Department of the Interior and Local Government na isailalim na sa modified general community quarantine (MGCQ) ang kanilang lugar.
Sa privilege speech sa 51st regular session ng Sanggunian Panglungsod, sinabi ni City Councilor Franklin Gacal Jr., na salungat sa kagustuhan ng “NIATF” na luwagan ang quarantine protocol sa lungsod.
Dahil dito, lumawig pa ang GCQ status matapos nagpalabas ang alkalde ng Executive Order 46 na mananatili hanggang sa darating na Oktubre 15.
Dagdag ni Gacal, malinaw na nilabag ni Mayor Rivera ang Article 231 ng Revised Penal code kaya puwede itong kasuhan sa Ombudsman.
Nalaman na umapela pa ang Gensan Chamber of Commerce kay Rivera na gawing MGCQ ang quarantine protocol para makapasok ang mga essential workers na nakatira sa labas ng lungsod.
Aminado naman ang local government unit na pinaboran nila ang apela ng Medical Society na mananatili muna sa GCQ status dahil kulang ang kanilang puwersa matapos ma-quarantine ang kanilang mga kasamahan.