-- Advertisements --
image 416

Hinimok ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang publiko na bumisita ng maaga sa mga sementeryo para sa Undas.

Dapat aniyang samantalahin ng publiko ang long weekend sa Oktubre 28 hanggang 30, upang maiwasan ang pagdagsa sa Manila North at South Cemeteries sa Nob. 1.

Ayon sa Manila Mayor, bago pa mag-November 1 at November 2, dalawin na ang ang mga yumaong mahal sa buhay nang sa gayon ay di na sumasabay sa bulto ng mga pupunta sa naturang petsa, kasabay nito ang panawagan din niya sa publiko na linisin at pagandahin ang mga puntod ng kanilang mga mahal sa buhay bago ang deadline sa Oktubre 25.

Sinabi ng alkalde na hindi na papayagan ang paglilinis o pag-aayos ng mga libingan lampas sa nasabing petsa at walang sinuman ang papayagang mag-overnight sa mga pampublikong sementeryo.

Inulit din niya na ang mga bisita ay hindi pwedeng magdala ng mga ipinagbabawal na bagay, kabilang ang mga alagang hayop, baril, mga bladed na armas, nasusunog na materyales, loud speaker at mga kagamitan sa pagsusugal tulad ng paglalaro ng baraha at mga bingo set na maaaring makagambala sa solemnidad ng okasyon.

Ang mga pribadong sasakyan, idinagdag niya, ay hindi na papayagang pumasok sa publiko simula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 2.

Samantala, inihayag naman ng pamahalaang lungsod na maglalagay ng mga e-tricycle para magbigay ng transportasyon sa mga senior citizen at persons with disabilities.