Nakapagtala ng dalawang insidente ng minor strombolian activity ang Mayon Volcano noong Huwebes ng gabi, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Naganap ang unang aktibidad bandang alas-8:41 ng gabi, kasunod ang isa pang pagsabog bandang alas-9:58 ng gabi.
Namataan rin ang pag-agos ng lava at pagbagsak ng ilang materyales mula sa bunganga ng bulkan na nagdulot ng collapse-fed pyroclastic density currents (PDCs) sa Bonga Gully bandang alas-9:48 ng gabi.
Ayon sa PHIVOLCS, ang mga PDC ay tinatawag ding “uson,” na pinaghalong mainit na gas, abo, at bato na mabilis na bumababa sa dalisdis ng bulkan.
Sinabi ng PHIVOLCS na nagpapatuloy ang effusive eruption ng Mayon sa ika-136 na magkakasunod na araw, na nagbubunga ng incandescent lava flows, rockfalls, at patuloy na pagbuo ng pyroclastic density currents.
Nanatiling umiiral ang Alert Level 3 sa Mayon Volcano, kaya’t mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa 6-kilometer Permanent Danger Zone dahil sa patuloy na banta ng biglaang pagsabog ng bulkan.
















