Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng bahagyang Strombolian activity sa Mayon Volcano noong gabi ng Linggo, habang patuloy ang effusive eruption nito.
Ayon sa PHIVOLCS, nangyari ang minor Strombolian activity bandang alas-8:14 ng gabi noong Hunyo 14, 2026. Ibinahagi rin ng ahensya sa social media ang footage ng nasabing aktibidad.
Nabatid na ang naturang intermittent volcanic explosions ay nasa low level na naglalabas ng lava fragments at gas patungo sa himpapawid.
Patuloy ang effusive eruption ng Mayon Volcano sa ika-160 na sunod na araw, na nagdudulot ng pag-agos ng lava, pyroclastic density currents o “uson,” at mga rockfall.
Nanatili rin sa Alert Level 3 ang bulkan, na nangangahulugang may patuloy at tumitinding magmatic unrest.
Muling iginiit ng PHIVOLCS na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6-kilometer permanent danger zone (PDZ) ng Mayon Volcano dahil sa panganib ng biglaang pagputok at iba pang volcanic hazards.
















