Nakakuha na ng green light ang west zone concessionaire Maynilad Water Services Inc. mula sa Securities and Exchange Commission para simulan ang kanilang initial public offering (IPO) ngayong buwan ng Hulyo.
Kakailanganin kasi ng kumpanya ng kahit 30% ng kanilang outstanding capital stock bilang bahagi ng kanilang prangkisa na inisyu ng gobyerno.
Batay sa timeline na isinumite ng kumpanya sa SEC, plano itong masimulan sa darating na Hulyo 3 hanggang Hulyo 9 ng kasalukuyang taon.
Nakatakda namang ilista ang kanilang shares sa main board ng Philippine Stock Exchange sa Hulyo 17.
Una nang nagpasya ang SEC En Banc na gawing epektibo ang registration statement ng Maynilad na sumasaklaw sa 1,934 primary shares at 354,704,200 secondary shares noong Mayo 30.
Iaalok naman ng Maynilad ang kanilang 1,680,317,400 common shares hanggang P20 bawat isa.
Ito ay mayroon namang overallotment option na aabot sa 249,047,600 shares at isang preferential offer na hanggang 29,904,800 shares.
Kabilang sa mga sineserbisyuhan ng Maynilad ay ang mga lungsod ng Caloocan, Las Piñas, Makati, Malabon Manila, Muntinlupa, Navotas, Parañaque, Pasay, Quezon, at Valenzuela.
Sakop rin nito ang ilang lugar sa Cavite katulad ng Bacoor, Cavite, at Imus City kabilang na ang mga bayan ng Kawit, Noveleta, at Rosario.