-- Advertisements --

Aminado si Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde na may umiiral pa rin na padrino system sa kanilang hanay.

Ang pahayag ni Albayalde ay matapos mahuli ang adik na pulis na si Patrolman Leo Valdez na nag-AWOL o absence without leave pero nakabalik pa rin sa serbisyo.

Posible aniyang may mga opisyal na napakiusapan na naging dahilan para makabalik sa serbisyo ang nasabing pulis.

Ayon sa PNP chief, posibleng hindi isinailalim sa re-evaluation ang kaso laban kay Valdez kaya hindi itinuloy ang AWOL case nito.

Pero nilinaw ni Albayalde na sa ngayon, istrikto na ang PNP sa mga pulis na nag-AWOL sa serbisyo dahil dumadaan ang mga ito sa re-evaluation.

“Very minimal” na lang din daw ang nabanggit na sistema kompara sa mga nagdaang panahon.

Tawag ng PNP dito, “political patronage” sa kanilang organisasyon.

Samantala, lubos ang pasasalamat ni Albayalde kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil hindi ito nakikialam sa PNP organization lalo na sa promotion at sa pagbiibigay ng puwesto sa mga opisyal.

Aniya, ni isang beses hindi sila diniktahan ng Pangulo sa kung ano ang kanilang gagawin.